By: Noriell D.C. Galvez
Isa ito sa talamak o karaniwan nang krimen sa Pilipinas. Kaya nga’t ilan sa mga dayuhan ay ilag sa pagbisita sa ating bansa. Mapa-Luzon man, Visayas at lalo na sa parteng Mindanao(Sulu, Zamboanga at Basilan) dahil sa ito’y pinaniniwalaang pugad ng mga teroristang grupo(Abu Sayyaf) na walang pinipili sa pangingidnap puti, dilaw o kayumanggi ka man. Masakit mang isipin na ang ating bansa ay nabansagan na kidnap hotspot. Ngunit masisisi ba natin sila? Di ba nga’t pati mga misyonaryo ay dinurukot nila at kapag hindi naibigay ang kanilang kagustuhan at perang hinihingi ay walang anu-ano ay pinapatay nila ang kanilang bihag sa pamamagitan ng pagpugot ng ulo, mga halang ang kaluluwa at nasisikmura nila ang ganitong gawain. Sino ba namang hindi kikilabutan sa mga ganitong pangyayari na halos hindi nawawala sa sirkulasyon ng mga kahindik-hindik na balita sa ating bansa?
Ang Batas Republika Blg.18 at 1084 ay ginawa upang masugpo ang krimeng kidnapping. Kapag natuklasan na ang ginawang pangingidnap ay may kaukulang ransom ay haharap sila sa isang mabigat na parusang kamatayan ngunit panahon lamang ito ng 1946. Ngunit kung susuriin bakit nga ba ito hindi masugpo-sugpo kahit may batas na ukol dito. Paano nga ba sila susugod sa labang alam nilang walang panama ang kanilang mga armas at higit sa lahat may buhay na nakasaalang-alang sa bawat desisyong kanilang gagawin? Nakapagtatakang isipin na mas dekalidad ang mga gamit ng mga teroristang grupo kaysa sa mga awtoridad at pulisya. Totoo nga bang may malalaki at matataas na grupo ng tao ang sumusuporta sa kanila? Kailan nga ba gagawa ng solusyon ang pamahalaan? Hinihintay pa ba nila ang panahon na humaba ang listahan ng mga nakidnap at mapatay ng mga nasabing teroristang grupo.
Ano nga ba ang tunay na saloobin o dahilan ng mga taong gumagawa ng naturang krimen? Pera nga lang ba o teritoryong nais nilang solohin? Mahirap sagutin ang naturang tanong lalo na’t wala naman tayo sa kanilang kalagayan. Pero sa aking pananaw ginagawa nila ito dahil sa hirap ng buhay kawalan ng opurtunidad sa kanilang lugar kaya’t pangingidnap ang solusyon na kanilang naiisip upang mabuhay. Masasabi pa rin nating “It’s more Fun in the Philippines” pero kaakibat ng naturang kataga kailangan nating aminin na may madilim na kwento ang ilan sa mga dayuhang tumutungo sa ating bansa sa halip na ang tumatak sa kanilang mga isipan ay “It’s more fun in the Philippines” ay napapalitan ng mga katagang “It’s more Terrorist in the Phillipines”.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento